ni Renne F. Gumba
3/30/2011
Ako’y isinilang di man lang nagkulang kalinga’t alaga ng mga magulang.
Kahit kahirapan hindi naging hadlang upang makapag-aral, di maging mangmang!
Hinubog ang buhay ng mga kapatid na sa karanasan mas nakakabatid.
At ang mga pagsubok o daang makitid, sa pala-kaibigan di naging balakid!
Namulat sa buhay, saka napagmasdan: madalas sa lipunan mga tunggalian,
laganap na hirap at katiwalian, malaking kawalan ng pagmamahalan!
Nayanig, nawala ang katiwasayan. Lumahok pumanig sa mga digmaan
ng mga konspeto at mga kilusan, mga pamayanan at ng pagawaan!
Minsan ding umigpaw sa daang di-tuwid, sumabay sa daloy saka naging manhid!
Sa ginhawa’t sarap minsan ding nabulid. Pero di rin sapat pag dangal may bahid!
Ngayong nagkaedad at pumuting buhok, ako”y natigilan at nais matarok:
Saan patungo at ano ang tuktok tinahak kong landas at inakyat na bundok?!
Ngayong binalikan at muling sinuri karanasang mali at mga papuri,
Nakita lumitaw saking pakiwari ang buhay na ito’y di ko pag-aari!
Kapag nadadapa ako’y binubuhat! Mayroong katuwang pag pasan bumigat!
Gabay sa matuwid kapag nalilingat! Kuwentong-buhay ko, Diyos palang sumulat!
MADALAS MALIMOT, IPAGPAUMANHIN! ANG MGA GAWA MO PALAGING DI PANSIN!
NGUNIT ALAM MO NA ANG LAHAT SAAKIN. AKO PO’Y GABAYAN, SAMAHAN, AKAYIN!
IKAW PANGINOON NAGBIGAY NG BUHAY, NARARAPAT LAMANG NA SAIYO IALAY
BUONG KASAYSAYAN, KATAWAN, AT MALAY NITONG ABANG BUHAY NA IKAW ANG PANDAY!
No comments:
Post a Comment